-- Advertisements --

Sa unang pagkakataon ay dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.

Kung maalala, si Bernardo ay pinangalanan ng mga dating DPWH engineer tulad nina Engr. Henry Alcantara at Engr. Brice Hernandez na umano’y may kinalaman sa pangongolekta ng mga porsyento mula sa mga public infrastructure projects.

Sa pagdalo ni Bernardo sa Senate hearing, inamin niyang may mga nagawa siyang kamalian habang siya ay nasa DPWH, at handa na siyang makipag-cooperate sa mga serye ng imbestigasyon ukol sa flood control scandal.

Giit ng dating opisyal, lumabas siya upang sabihin ang lahat ng mga nalalaman sa nangyayaring korapsyon sa flood control atbpang public infrastructure project, lalo na sa probinsya ng Bulacan.

Ibinahagi rin ni Bernardo na nag-apply na siya sa Department of Justice na maging state witness dahil sa mga sensitibong impormasyon na kaniyang hawak.

Ayon pa kay Bernardo, ang mga napaka-sensitibong impormasyon na nilalaman ng kaniyang testimoniya ay nagdadawit sa pangalan ng apat na senador, isang kongresista, isang miyembro ng constitutional commission, at isa pang undersecretary.

Ang mga ito aniya tiyak na makakasira sa public trust sa dalawang sangay ng pamahalaan at posibleng maging banta sa national security dahil sa maaari umano itong magdulot ng political instability sa bansa.