-- Advertisements --

Nangako ang Department of Agriculture (DA) na magdodoble-kayod pa ito upang mapanatili ang tuloy-tuloy na pagbaba at pagbagal ng inflation sa bansa.

Unang iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal sa 0.9% ang inflation sa bansa nitong buwan ng Hulyo.

Lumalabas sa ulat ng PSA na ang pagbaba ng presyo ng pagkain ay ang pangunahing dahilan nito, lalo na ang halos 16% na ibinaba ng presyo ng mga produktong mais at bigas.

Giit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sunod na haharapin ng ahensiya ang tuluyang pagpapababa sa presyo ng bigas at baboy at gawing abot-kaya ang dalawang commodities upang mapanatili ang magandang takbo ng inflation.

Nangako ang kalihim na nakahanay na ang ilan pang programa para sa dalawang produkto kung saan sa hog industry ay pinaplano na ng pamahalaan na gawing available ang ASF vaccine bago matapos ang taon.

Pag-aaralan din aniya ang ilang patakaran na sinusunod sa pag-aangkat ng karne ng baboy.

Sa bigas, target ng DA na mapababa pa ang presyo mula sa dating ipinataw na maximum suggested retail price para sa 5% broken imported rice mula sa dating P45 patungong P43 kada kilo.