-- Advertisements --

Nanindigan si Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagsuspinde sa importasyon ng bigas ay isang maingat at kalkuladong hakbang.

Ayon sa kalihim, ito ay tugon sa hamon ng napakababang presyo ng palay na binabalikat ngayon ng mga lokal na magsasaka.

Nagbibigay ito aniya ng maayos na proteksyon sa mga magsasaka at mga konsyumer dahil sa halip na itaas agad ang taripa sa imported rice ay pinili ng pamahalaan na suspindihin ang importasyon na maaaring bawiin lamang kung kinakailangan.

Una itong inirekomenda ng DA kay Pang. Marcos kasunod na rin ng reklamo ng mga magsasaka ng bansa kung saan umaabot pa umano sa P8.00 ang kada kilong presyo.

Ang naturang presyuhan ay malayong mas mababa kaysa sa karaniwang gastusin sa produksyon.

Ayon kay Sec. Laurel Jr., susubaybayan ng ahensiya ang epekto nito upang makabuo ng tamang datus at makagawa ng nararapat at akmang hakbang sa hinaharap.

Kailangan aniyang mapanatili ang proteksyon sa mga magsasaka nang hindi sila malulugi sa kanilang pagtatanim ng palay ngunit dapat ding mapanatili ang abot-kayang bigas sa mga merkado.

Samantala, inirekomenda rin ng DA na itaas ang rice tariff mula sa 15% patungong 25% hanggang sa kalaunan ay maging 35% ngunit ipinagpaliban muna ito upang pag-aralang mabuti ang epekto ng suspensyon sa presyo at suplay.