Mas paiigtingin din ng Philippine National Police (PNP) ang crowd monitoring at pagbabantay sa mga online threat bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa Undas ngayong taon.
Ayon kay Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Naratatez Jr., mas palalawakin ng kanilang hanay ang pagbabantay sa seguridad kabilang na dito ang cyberspace security ng publiko.
Aniya, ito ay batay a naging direktiba sa kaniya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dapat tiyakin na ang kaligtasan ng mga mamamayan sa komunidad ay hindi lamang mararanasan sa ground ngunit maging sa kanilang online space.
Pabibigay diin pa ng hepe, hindi lamang dapat sa mga pisikal na lugar naglalatag ng seguridad ngunit maging sa mga digital spaces dahil sa paglaganap ng mga maling impormasyon o mga scams na siyang mabilis na kumakalat.
Kasunod nito ay agad na inatasan ni Nartatez ang Anti-Cybercrime Group na agad na tukuyin at panagutin ang mga nagpapakalat ng mga pekeng advisory, mga phishing messages at iba pang online scams para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan.
Maliban dito ay pinalakas rin ang paggamit ng teknolohiya gaya ng CCTV networks, drone footages at iba pa na siyang mabilis na makakatukoy sa mga real-time movement sa mga transport terminals at maging sa mismong mga sementeryo.
Samantala, nakatakda ring maglatag ng mga police assisatnce desk, patrol teams at traffic management units ang Pambansang Pulisya para makapagbigay nga assistance sa mga pangangailangan ng publiko ngayong Undas 2025.