-- Advertisements --

Nagpatupad ng mas pinaigting na seguridad ang Philippine National Police (PNP) matapos na humupa ang tensyon sa pagitan ng dalawang angkan sa munisipalidad ng Tipo-tipo sa Basilan.

Ayon kay Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., sa ilalim nito ay ipapatupad ang mas pinalakas na peacekeeping at investigate operations sa Tipo-tipo upang matiyak na hindi na muling uusbong ang tensyon sa lugar.

Ito rin aniya ay batay na rin sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at alinsunod din sa patnubay ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na siguruhin ang stabilidad sa Tipo-tipo, pangalagaan ang mga komunidad na sumasaklaw dito at ipatupad ang lahat ng umiiral na batas sa mga lugar na apektado ng naging gulo sa probinsiya.

Ito aniya ay isasagawa sa pamamagitan ng inter-agency coordination at proactive na pagpapatupad ng mga polisiya.

Samantala, nanindigan din ang Pambansang Pulisya na patuloy na magbabantay sa mga lugar na saklaw ng Tipo-tipo kung saan nakatakda rin silang magsagawa ng visibility patrols, pagsuporta sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa insidente at pagpapalakas ng law enforcement efforts sa lugar upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa buong lalawigan.