Tuloy ang pagdinig ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 sa kasong cyber libel laban sa CEO ng Rappler na si Maria Ressa at dating reporter nito.
Sa desisyong kasi ng korte, ibinasura ni Judge Rainelda Estacio-Montesa ang demurrer to evidence ni Ressa at Reynaldo Santos Jr., dahil sa “lack of merit” o kalulangan ng merito.
Nauna nang nagtangka sina Ressa na ipabasura ang cyberlibel case na isinampa ng negosyanteng si Wilfredo Keng.
Dagdag pa ng hukom, ang mga ebidensiya na naipresinta ng prosekusyon ay “sufficient to sustain” para maituloy ang kasong cyberlibel laban kina Ressa at Santos.
Dahil dito, ipagpapatuloy ang pagdinig ng korte sa December 6, 2019.
Dito inaasahang ipi-prisinta ng depensa ang kanilang mga ebidensiya.
Ang kasong cyberlibel laban kay Ressa ay nag-ugat sa isa sa mga artikulong lumabas sa Rappler noong 2012.
Sa artikulo ng Rappler na isinulat ng dati nitong reporter na si Santos, sinasabing ipinagamit ni Keng ang sasakyan nito kay dating Chief Justice Renato Corona noong panahon ng impeachment hearings laban dito.