-- Advertisements --

Tuluyan ng tinanggal sa serbisyo ang isang court sheriff dahil sa pagtanggap ng pera kaugnay sa kaso ng ilegal na droga.

Sa inilabas na ‘per curiam’ decision ng Supreme Court En Banc, na-dismissed mula sa serbisyo si Dwight Aldwin S. Geronimo, Sheriff IV ng Branch 121, Regional Trial Court sa Imus Cavite.

Maging ang kanyang matatanggap sanang mga benepisyo sa pagreretiro ay binawi din kasabay ng pag-ban sa kanya na makakuha pa ng anumang trabaho sa gobyerno.

Base sa Korte Suprema, nag-ugat ito matapos mangikil o humingi si Geronimo kay Antolyn Dones Gonzales ng P200,000 kapalit para mapabilis ang kinakaharap na ‘drug case’ ng kanyang kaibigan.

Ayon raw kasi kay Geronimo, kumpyansa itong maisasakatuparan sapakat tiyahin naman daw niya ang judge na humahawak sa kaso.

Pangako pa raw ng naturang court sheriff na magagarantiya din na mapagbibigyan ito na makapagpyansa ukol sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Buhat nito’y binigyan ni Gonzales ng paunang bayad si Geronimo ng P115,000 habang ang mga natitira naman ay planong mabayaran pagkatapos maayos ang kaso.

Ilang beses pa raw nag-usap ang dalawa sa online kasabay ng pauli-ulit na pangakong matutupad ang kasunduan ngunit nang ma-deny ang bail ng kanyang kaibigan, bigla na lamang raw nawala si Geronimo.

Samantala, depensa naman ng na-dismiss na sheriff, ang perang ibinigay ay kanyang personal na utang at nagkukunwari lamang raw na sumasama kay Gonzales para isiwalat ang umano’y kurapsyon ng korte.

Ang Judicial Integrity Board ay hinatulang ‘guilty’ si Geronimo sa nadiskubreng ‘gross misconduct’ kasabay ng rekomendasyon ng dismissal.

Ito naman ay kinatigan at pinaburan ng Kataastaasang Hukuman kaya’t ang naturang court sheriff ay tuluyang tanggal sa serbisyo.

Dito binigyang diin ng Korte Suprema na ang mga empleyado ng anumang korte sa bansa ay hindi maaring tumanggap ng pera mula sa mga partido kaugnay sa kaso.