Ilang lugar sa apat na bayan sa Zambales ang nawalan ng kuryente nitong Linggo ng gabi, Nobyembre 9, dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Uwan (international name: Fung-wong).
Ayon sa Zambales II Electric Cooperative Inc. (ZAMECO II), nagkaroon ng unscheduled power interruptions sa mga bayan ng Subic, Castillejos, San Marcelino, San Antonio, at San Narciso. Binanggit ng kooperatiba na ang pagkawala ng kuryente ay dulot ng pagsasagawa ng clearing operation, patrolling, at inspeksyon ng kanilang linya habang bumubuhos ang malakas na ulan.
Sa pinakahuling ulat ng PAGASA, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 4 sa Sta. Cruz, hilagang bahagi ng Zambales, habang ang natitirang bahagi ng probinsya ay nasa Signal No. 3.
Pinapayuhan ang mga residente na manatiling ligtas at alerto, at siguraduhing mayroong emergency supplies habang nagpapatuloy ang bagyo.
















