Kasalukuyang may nakabinbing petition for certiorari sa Pasay City court na inihain ng government contractor na si Curlee Discaya para kwestiyunin ang pagdetine sa kaniya sa Senado.
Kinumpirma ito ng kaniyang abogadong si Atty. Cornelio Samaniego III ngayong Miyerkules, Disyembre 10.
Ayon sa abogado, noon pang nakalipas na Setyembre 23 ay nakakulong na ang kaniyang kliyente, kung saan hindi nabigyan ng pagkakataong makalaya si Curlee sa pamamagitan ng kanilang petition for habeas corpus, dahil dapat na petition for certiorari umano ang kanilang inihain.
Layunin ng petition for certiorari na itama ang mga pagkakamali sa hurisdiksiyong nagawa ng mababang hukuman o grave abuse of discretion.
Paliwanag ni Atty. Samaniego na noong matapos ang pagdinig ng Senado sa isyu ng flood control anomaly dapat aniyang palayain na ang mga inidibidwal na mayroong contempt orders.
Binigyang diin din ng abogado na walang intensiyon si Curlee Discaya na magtago mula sa mga awtoridad.
Matatandaan, na-cite in contempt si Curlee ng Senate Blue Riboon Committee dahil sa pagsiisnungaling kaugnay sa pagliban ng kaniyang maybahay na si Sarah Discaya sa pagdinig sa maanomaliyang flood control projects noong Setyembre 18 ng kasalukuyang taon.
















