-- Advertisements --

Ibinida ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III ang pagiging epektibo ng kanilang 5 minute response time sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang 911 emergency hotline para sa pagdiriwang ng 124th Police Service Anniversary ngayong araw na may temang “Pulisya: Bantayog ng Bayang Matatag”.

Ang naturang okasyon ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.

Bago magumpisa ang mismong selebrasyon ay ipinakita mismo ng hepe ng Pambansang Pulisya kung paano gumagana at nakakatugon sa mga emerhensiya ang 911 emergency hotline at ang direktiba ng hepe na darating ang pulis sa loob ng limang minuto.

Pagkatapos nito ay nagbigay na ng kani- kanilang talumpati ang mga panauhing pandangal at maging si Torre.

Sa naging paunang pahayag ng hepe, binigyang diin niya ang mga napagtagumpayang achievements ng kanilang hanay simula nang maupo bilang hepe ng PNP at ang mga naresolbang kaso ng kanilang hanay.

Mas ibinida namang muli ng hepe ang kaniyang direktiba na 5 minute response time rule na siyang ipinapatupad na sa buong bansa.

Ani Torre, sa ating mundo na mabilis sumailalim sa mga pagbabago, ang kada oras ay mahalaga at para sa pulisya, kada segundo ay dapat pahalagahan.

Nang maupo bilang hepe hanggang sa ngayong araw ay mayroong hindi bababa sa 17 milyong tawag ang natanggap ng kanilang hanay sa pamamagitan ng mas pinalakas at pinabagong 911 emergency hotline.

Mula aniya sa bilang na ito ay matagumpay na natuguan ang higit sa 10 milyong tawag dahil sa mabilis na aksyon ng Pambansang Pulisya.

Maliban sa epektibong paggamit ng 911 hotline ay nasa 94% naman ang naging reponse performance ng pulisya sa mga tawag na nangangailangan ng police assistance.

Bilang tugon naman sa pagdiriwang ng 124th Police Service Anniversary ay inihayag ni Torre na hindi ito nakabatay sa kung ano ang kanilang nga nagawa para sa bayan ngunit kung ano pa ang kanilang magagawa para sa mamamayang pilipino.

Nanawagan naman ang hepe sa buong hanay ng Pambansang Pulisya na ipagpatuloy ang kanilang mga nasimulan at ang pagtupad sa kanilang sinumpaang mandato ng buong tapat at walang bahid ng kahit anumang katiwalian.

Samantala, nagpahayag din ng pasasalamat ang hepe sa mga pulis sa ilalim ng kaniyang liderato dahil sa pagsasapuso ng mga direktiba ng kanilang hanay para sa isang mapayapa at may seguridad na Pilipinas.