-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagsisilbing inspirasyon sa ngayon sa panahon ng pandemya ang isang survivor ng Coronavirus Disease (COVID) na nakuha ang No. 4 rank sa 2021 Physician Licensure Examination.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Kristian Leonard Olarte na tubong Ligao City, Albay, ibinahagi nito ang hirap na pinagdaanan bilang mag-aaral sa gitna ng pandemya subalit nagawa pa rin na makapasa sa licensure exam at maging ganap na doktor.

Ayon kay Olarte, muntikan na siyang tumigil sa pag-aaral nang pumutok ang pandemic at maging isa sa COVID centers sa bansa ang Philippine General Hospital kung saan niya ginagawa ang kanyang internship.

Dahil sa exposure sa mga pasyenteng may COVID, nagpositibo rin ito sa sakit kaya kinailangang sumailalim sa quarantine sa kanyang pag-uwi sa Ligao dahilan upang hindi na makadalo pa sa kanilang graduation.

Subalit sa kabila nito, nagawa pa rin ni Olarte na magpagaling at maipasa ang exam hanggang sa makuha ang ika-apat na pinakamataas na antas sa mga examinee sa buong Pilipinas.

Mensahe nito na hindi dahilan ang pandemya at anumang sakit upang tumigil na sa pagtupad sa pangarap na makapagsilbi sa mga nangangailangan ng atensyong medikal.