Kinumpirma mismo ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Nicolas Torre III na tuluyan nang nasibak sa pwesto ang walong chief of police sa Metro Manila matapos na mabigong sundin ang direktiba ng hepe na mandatory 5 minute response time sa mga emergencies at concerns ng publiko.
Ayon kay Torre, sa isinagawang Command Conference para sa review ng compliance ng mga chief of police sa kanilang bagong polisiya na 5 minute sresponse time, napagalamang niya na may mga commanders na hindi naisasagawa ang polisiya at nahihirapang sumunod sa naturang direktiba.
Ani pa ng hepe, hindi maka-cope up at ayaw rin aniyang i-adapt ng mga pulis sa bagong standards na siyang ipinapatupad na sa buong Kamaynilaan.
Samantala, marami na rin aniyang natanggap ang hepe ng mga tawag mula sa mga Mayors at ilan pang opisyal sa mga lokal na pamahalaan at pagod na rin aniya siyang paulit-ulit na magpaliwanag kung ano ang kaniyang direktiba.
Ani Torre, hindi nila maihahatid ng mayos ang kanilang pangakong 5 minute response time kung mayroon pa ring mangilan-ilang pulis ang hindi sumunsunod at hindi kayang tumugon sa naturang direktiba na siyang utos mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kaya naman minabuti na rin na sibakin na lamang sa pwesto ang walong opisyal dahil giit ng hepe, gusto niya na ang mga commanders sa ilalim ng kaniyang liderato ay may kakayahang sumunod at magpasunod at ang hindi kayang tumugon rito ay maaaring sususnod nang matatanggal sa pwesto.
Samantala, pagtitiyak naman ni Torre, ang walong chief of police ay maaari pa ring malagay sa ibang posisyon habang ang mga naiwan namang pwesto ng mga naturang opisyal ay bubuksan para sa mga nakalinyang maaaring pumalit sa mga nasibak na pulis.
Ang mga naturang opisyal naman ay mula sa mga siyudad ng Navotas, Paranaque, Marikina, Mandaluyong, Caloocan, Makati, Valenzuela at ng San Juan.