-- Advertisements --

Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na magkaroon ng significant changes o pagbabago sa buhay ng mga Pilipino bago pa man siya bumaba sa pwesto sa 2028,  dahilan nais niya maging masigasig ang kaniyang mga gabinete partikular sa pagtupad sa mga proyekto at programa ng pamahalaan.

Sa isang podcast interview kay Pangulong Marcos, sinabi nito tatlong taon na lang ang nalalabi sa kaniyang termino kaya ayaw niyang business as usual lalo at maraming problema ang dapat tugunan.

Giit ng Pangulo mahalaga na  maging masigasig ang gobyerno sa pagkamit sa target on time. 

Hindi lamang sa pagtupad sa mga malalaking legacy projects, transportation at agricultural projects.  

Hangad din ng Pangulo na hindi nahihirapan mga kababayan natin kaya kung anuman ang dapat ayusin ay inaayos na.

Binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga na maging istrikto lalo na at kapakanan ng taumbayan ang nakataya.

Sinabi ng Presidente ang pagbibigay serbisyo sa publiko ay hindi patungkol sa isang kaibigan.

Aniya, kahit kaibigan niya ang opisyal kung hindi naman ito performing ay talagang sisibakin niya ito sa pwesto.

Samantala, patuloy namang hihilingin ni Pangulong Marcos ang  accountability sa mga government official dahil hindi matatapos sa pag-kumpleto ng mga proyekto at programa ng pamahalaan ang trabaho ng mga opisyal ng gobyerno. 

Ito rin ayon sa pangulo ang dahilan kung bakit personal niyang pinupuntahan ang bawat proyekto na naisasakatuparan. 

Ibinahagi ng Pangulo na mayroong mga pagkakataon na iba ang laman ng ulat o itsura ng mga naisakatuparang proyekto base sa report na nakarating sa kaniyang tanggapan, kumpara sa aktwal na resulta nito. 

Ibig sabihin nabola siya ng ilang mga opisyal.

Ito ang dahilan kung bakit nais niya mismong makita ang mga natatapos na programa. 

Pagtiyak ng Presidente na simula ngayon, tatapusin na sa itinakdang deadline ang bawat proyekto, maliit man o malaki, na dapat ay nakikita ng publiko, at dapat ay binabalik-balikan ito, o mini-maintain ito.