-- Advertisements --

Bumababa na ang trend ng COVID-19 cases sa Metro Manila, ayon sa OCTA Research group.

Ayon kay Dr. Guido David, ang positivity rate at reproduction rate sa National Capital Region ay bumaba na sa 19 hanggang 20 percent at 0.94 bawat isa.

Nabatid na ang virus reproduction rate na hindi lalagpas ng 1 ay maituturing ideal na rate.

“At least, sa Metro Manila at saka sa ibang areas, ‘yung nakikita nating pagbaba, may basis naman talaga, ‘di lang case count. Pati positivity rate, bumababa rin… May genuine na pagbaba yan sa nakikita natin,” saad ni David sa isang panayam.

Ang pagbaba sa mga naitatalang COVID-19 cases ay maaring resulta ng vaccination program ng pamahalaan at ang pagsunod din ng publiko sa health protocols.

Hanggang noong Setyembre 23, nabatid na nasa 19.6 million na ang fully vaccinated kontra COVID-19 dito sa Pilipinas, katumbas ng 25.5 percent ng target population para sa pagbabakuna.

Sa Metro Manila, mahigit 6.7 million na ang fully vaccinated sa ngayon.