-- Advertisements --

Muling ipagbabawal ng pamahalaan ang pagpasok ng publiko sa anim na kilometrong permanent danger zone sa palibot ng Bulkang Kanlaon, simula ngayong araw, June 24.

Batay sa inilabas na impormasyon ng Regional Task Force Kanlaon, pansamantalang suspendido ang pinapayagang window period na mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.

Dahil dito, hindi papayagan ang pagpasok ng publiko sa naturang oras, bagkus, babantayan ng mga otoridad ang mga nagsisilbing lagusan o pasukan ng mga residenteng nakatira malapit sa paanan ng bulkan.

Maalalang pinayagan ang pagpasok sa naturang oras upang makapagsagawa ng iba’t-ibang agricultural work at iba pang mahahalagang gawain ang mga residente sa kanilang mga bahay at sakahan.

Gayonpaman, muling natukoy ang tumitinding mga aktibidad ng bulkan kaya’t pansamantala muna itong itinitigil.

Lumalabas sa pinakahuling ulat ng Phivolcs na sa nakalipas na 24 oras na monitoring nito sa naturang bulkan ay nakapagtala ito ng 67 volcanic earthquakes.

Nitong araw ng Lingo, Hunyo-22, umabot sa 755 tonelada kada araw ang inilabas na sulfur dioxide ng bulkan, habang muli rin itong nagbuga ng makapal na usok na halos umabot sa isang kilometro ang taas.

Kasalukuyan pa ring nasa ilalim ng Alert Level 3 ang Kanlaon