-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagtala ng pinakaunang fatality ng Coronavirus Disease (COVID-19) ang syudad ng Marawi, Lanao del Sur nitong araw.

Ito ay matapos binawian ng buhay ang pasyente na unang nahawaan ng mga sintomas ng virus na naka-confine sa Amai Pakpak Medical Center ng Marawi.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr na ito ang pinakaunang COVID patient na mismo namatay habang ginagamot sa kanilang ospital matapos ang ilang araw na pagsilbing person under investigation.

Inihayag ni Adiong na batay sa tradisyon at kultura ng paniniwalang Islam ay hindi na isinailalim sa cremation na nakasaad sana ng batas nang inilibing ito sa pampublikong sementeryo sa Lanao del Sur.

Bagamat tiniyak naman ng gobernador na masyadong nakasilyo ang bangkay ng biktima upang hindi magdulot ng pangamba sa usaping kalusugan sa mga residente ng probinsya.

Magugunitang hindi pa nagbigay ng pahayag ang local health officials ng Marawi City at Lanao del Sur subalit mismo na ang gobernador ang nagbigay ng kumpirmasyon nito sa Bombo Radyo.

Bagamat makailang beses na nilinaw ng local health experts ng Department of Health (DoH-10) na mamatay ang virus kapag ang nadapuan na tao ay pumanaw na rin.

Kung maaalala, namatay rin ang isa pang pasyente ng COVID-19 na nagmula sa Lanao del Sur habang naka-confine sa Northern Mindanao Medical Center na agad inilibing sa public cemetery na nakabase ng Cagayan de Oro City noong nakaraang linggo.