Tinataya ng OCTA Research Team na posibleng bumaba ng hanggang 50 percent ang naitatalang COVID-19 cases sa Pilipinas bawat araw pagdating sa buwan ng Mayo.
Sinabi ni Dr. Guido David na umaasa ang kanilang grupo na makikita ang downward trend sa loob ng isa hanggang dalawang linggo, subalit hindi raw ibig sabihin nito na tuluya nang nagapi ang nakamamatay na virus.
Maaari pa rin daw na umabot ng 4,000 hanggang 5,000 kaso kada araw ang maitala sa Metro Manila at 9,000 hanggang 10,000 daily cases bago matapos ang buwan ng Abril.
Kakailanganin umano ng 30 araw para mapababa ito ng hanggang 50 percent dahil ganito na rin daw ang kanilang naobserbahan sa mga nagdaang buwan. Ibig sabihin lang nito na pagpasok ng Mayo ay 5,000 hanggang 6,000 cases per day ang maitala.
Makaraan kasi ang pagpapatupad ng dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal o tinawag din bilang NCR-plus, ay bumaba mula 1.88 hanggang 1.24 ang reproduction rate sa NCR.
Pagbabahagi pa ni David na nakakita rin ang kanilang grupo ng downward trend sa ilang lungsod sa NCR, tulad ng Pasay, Mandaluyong, at Marikina.
Umaasa rin daw ito na ang pagpapatupad ng mas maluwag na modified enhanced community quaratine (MECQ) ay makakatulong sa patuloy na pagbaba ng reproduction number sa NCR.