Walang pinapalagpas na sandali ang rescuers ng Philippine Army para masagip ang mga nawawalang indibidwal sa iniwang malawak na pinsala ng bagyong Tino sa Cebu.
Sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa 127 katao ang napaulat na nawawala.
Ayon sa Hukbong Katihan ng Pilipinas, nagpapatuloy ang pagalalay ng humanitarian assistance and disaster relief (HADR) ng Army sa mga lokal na pamahalaan sa mga isinasagawang pagsisikap para sa pagbangon at rehabilitasyon sa mga sinalantang lugar sa Visayas upang maibalik ang access sa mga isolated communities.
Siniguro naman ni Army Chief Lt. Gen. Antonio G. Nafarrete ang mabilis at maayos na rescue at relief efforts para sa mga komunidad na naapektuhan ng bagyo.
Aniya, walang patid na kumakayod ang Army units kasama ang mga ahensiya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan at partners sa pribadong sektor para mahatiran ang mga biktima ng bagyo ng higit nilang kailangang mga tulong.
Nagdulot ang bagyong Tino ng mapaminsalang baha na puminsala sa mga mabababang lugar o barangay sa probinsiya ng Cebu.
Ang naturang probinsiya rin ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng nasawi na pumalo na sa mahigit 100.










