-- Advertisements --

Sumampa pa sa 204 ang bilang ng mga nasawi sa iniwang malawak na pinsala ng nagdaang bagyong Tino sa Pilipinas partikular sa Visayas at ilang parte ng Mindanao, base sa pinakabagong datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Sabado, Nobiyembre 8.

Mula sa 204 na napaulat na nasawi, kabuuang 141 biktima ng bagyo ay naitala sa Cebu, 27 sa Negros Occidental, 20 sa Negros Oriental, 6 sa Agusan del Sur, 3 sa Capiz, 2 sa Southern Leyte at tig-isang casualty mula sa Antique, Iloilo, Guimaras, Bohol at Leyte.

Kinumpirma din ng ahensiya na may 109 iba pang patuloy na nawawala. Sa mga napaulat na nawawala, 57 ay sa Cebu, 42 sa Negros Occidental, at 10 sa Negros Oriental.

Samantala, may 156 katao din ang napaulat na nagtamo ng injuries bunsod ng pananalasa ng nagdaang bagyo sa Cebu, Leyte, Negros Occidental, Surigao del Norte at Surigao del Sur.

Sa ngayon, mahigit 820,000 pamilya o katumbas ng 2.9 milyong indibidwal ang apektado mula sa mahigit 6,000 barangay sa walong rehiyon sa bansa.

Base naman sa damage assessment dulot ng nagdaang bagyo, may mga kalsada at tulay ang naapektuhan, may ilang bayan at siyudad din ang nakaranas ng kawalan ng suplay ng kuryente, nawalan ng suplay ng tubig at may mga lokalidad na nakaranas ng pagkaputol ng komunikasyon.

Sa sektor ng agrikultura, nagtamo ito ng P40.7 milyong halaga ng pinsala habang P17.25 milyong halaga naman ang naitalang pinsala sa sektor ng imprastruktura.

Bilang tugon, nakapaghatid na ang pamahalaan ng P198 milyong halaga ng tulong sa mga naapektuhang pamilya dahil sa bagyong Tino.