-- Advertisements --

Nakikita ng isa sa mga miyembro ng OCTA Research group ang posibilidad na ma-control ang pagtaas ng infections sa Metro Manila sa pamamagitan ng ipapatupad na dalawang-linggong enhanced community quarantine sa National Capital Region sa harap ng banta ng Delta variant.

Ayon kay Dr. Guido David, base sa kanilang projections, posibleng hindi tataas sa 2,500 cases kada araw ang maitatala sa loob ng dalawang linggo na ECQ sa NCR, na magsisimula sa Agosto 6 hanggang 20.

Ito ay mababa aniya sa surge capacity, ibig sabihin ay hindi mahihirapan ang mga ospital.

Samantala, naniniwala si David na posibleng marami pang mga kaso ng Delta variant ang mayroon sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaysa sa bilang na iniuulat ng Department of Health.

Ito ay dahil ang resources aniya ng Philippine Genome Center (PGC) sa pagsasagawa ng genome sequencing ng mga COVID-19 samples ay limitado.

Habang ang Delta variant ay mas nakakahawa, sinabi ni David na karamihan pa rin sa mga variants na natutukoy sa bansa ay pawang mga Alpha at Beta variants.

Gayunman, iginiit ni David ang kahalagahan pa rin nang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards.