-- Advertisements --

Dumating na ng Pilipinas ang 370 Pilipino sakay ng tatlong cruise liners na dumaong sa Italy kamakailan dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang grupo ng mga repatriates na ito ay binubuo ng 248 na mga Pilipino mula sa MV Costa Luminosa mula Milan, at pinagsamang bilang na 122 Pilipino mula naman sa MV Grandiosa at MV Opera na nakadaong sa Rome.

Dumating ang mga Pilipinong ito via chartered flights na inorganisa ng gobyerno ng Pilipinas.

Ayon sa DFA, lahat ng mga dumating na 370 Pilipino ay dumaan sa medical checkup at natukoy na asymptomatic bago pa man sila sumakay ng chartered airline na naghatid sa kanila pauwi ng Pilipinas.

Sasailalim naman din ang mga ito sa mandatory 14-day quarantine sa hindi pa natutukoy na lokasyon na pangangasiwaan naman ng Bureau of Quarantine.

Ang pagpapauwi sa mga Pilipinong crew members ng mga cruise ships ay nagsimula noon pang nakaraang buwan nang magkaroon ng COVID-19 infection sa barko sa Japan.