Patuloy na iginigiit ni Top Rank Promoter Bob Arum na may tiyansa ang mas batang si Jeff Horn na ma-upset si Sen. Manny Pacquiao sa kanilang laban sa July 2.

Ayon kay Arum, ngayon lamang umano naiisip ng ilang mga boxing analysts at boxing writers ang kakayahan at abilidad ng hindi kilalang si Horn.

Binigyang diin ng beteranong promoter na merong istilo ang 29-anyos na si Horn para maging “competitive” ang laban.

Paliwanag ni Arum, ang pagkakaroon ng tiyansa ni Horn na maagaw ang WBO welterweight belt  ni Pacman ay dahil sa kanyang “counter-punching ability.”

Ito umano ang magbibigay daan upang makasilip ang dating Australian Olympian ng pagkakataon sa opensa at depensa ng Pinoy ring superstar.

Inihalimbawa pa ni Arum ang istilo ni Manny na maliksi at mabilis na siyang dahilan para hindi ito tamaan ng mga suntok ng mga kalaban.

Pero dahil sa minsan ay may pagka-agresibo si Pacman sa kanyang pagsugod, maaaring ito ang maging mitsa na samantalahin ni Horn na makasilip para sa counter punch.

Nakita na umano ito ni Arum sa huling laban ni Jeff na siyang magsisilbing isa sa mga bentahe nito kontra sa fighting senator.

Samantala inaasahang babalik si Pacquiao sa Biyernes sa Pilipinas makalipas ang ilang araw na pananatili sa Brisbane, Australia upang pormal na ilunsad ang “Battle in Brisbane” na gagawin sa 55,000 capacity na Suncorp Stadium.