-- Advertisements --

CEBU CITY – Kinumpirma ni Tayasan, Negros Oriental Mayor Susano Ruperto Jr., na pumanaw na ang Sangguniang Bayan (SB) member ng nasabing bayan na siyang unang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa Central Visayas.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Ruperto, sinabi nito na natanggap nila ang balita kaninang umaga lang kung saan ang konsehal ay ang patient no. 39.

Napag-alaman na dumalo sa Philippine Councilors League (PCL) sa Manila ang konsehal at nag-shopping pa umano sa Greenhills Shopping Center.

Nang makabalik ito sa Tayasan, bago pa makaramdam ng sintomas ng COVID-19, ay dumalo pa ito sa recognition ceremony sa isang elementary school at nakipag-shake hands pa ito.

Ayon sa alkalde, March 4 na nang nakaranas ng sintomas ng COVID-19 ang konsehal kaya nagpa-checkup hanggang sa lumabas ang resulta ng test na positibo ito sa nakakamatay na virus.

Kaagad namang inilipat sa medical center kung saan doon na rin ito pumanaw.

Nabatid din na dahil may kidney transplant na ang pasyente, ito ang nakitang dahilan kaya tuluyang hindi na nakaya pa ng katawan nito ang virus.

Sa ngayon ay mahigit 200 ‘person under investigation” na ang Negros Oriental kasama na rito ang pamilya nang namatay na opisyal.

Habang naka-self quarantine na rin ang lahat ng dumalo sa recognition ceremony pati na raw mismo si Mayor Ruperto.

Nakatakda nang i-cremate ang labi ng Sangguniang Bayan member bago ito iuwi sa kanilang bayan.