Katuwang ang The Medical City at Lung Center of the Philippines (LCP) ay inilunsad na ang mass testing sa lungsod ng Valenzuela ngayong araw bilang hakbang para labanan ang pagkalat ng coronavirus sa Pilipinas.
Ayon kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, nais nito na magkaroon ang syudad ng mas malinaw na impormasyon sa krisis sa oras na matapos ang enhanced community quarantine sa Abril 30.
Nakatakdang sumailalim sa COVID-19 testing ang nasa 25 indibidwal. Kasama sa unang batch ang dalawang nurse at myembro ng kanilang pamilya.
Layunin ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela na isailalim sa pagsusuri ang 537 persons under investigation (PUIs) at person under monitoring (PUMs) sa lungsod.
Sinabi ni City Pathologist Amelia Fibra na kayang mag-proseso ng 25 samples kada araw ang TMC na maaaring abutin ng hanggang dalawang araw habang tatagal naman ng 3-5 araw bago lumabas ang resulta mula sa Lung Center.
“It will take us 20 days to finish the entire database with a minimum of 25. So if we can ask them to expand them to 50, even faster, so by the end of 20 days we should have a clearer idea as to how many positives there are in the city. And then ‘yung number namin ng PUI and PUM will drastically go very very low as in baka zero na kasi theoretically na-test na sila lahat,” wika ni Gatchalian.
Sa ngayon, mayroon nang 36 confirmed cases sa Valenzuela, 242 PUIS at 295 naman ang PUMs.