Imbitado sa pagdinig ng House Infrastructure Committee (Infra-Comm) ang mga contractor ng kwestiyonableng proyekto sa Bulacan na personal na pinuntahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. upang makita ang substandard na pagkakagawa nito.
Sinabi ni House Public Account Chairman Rep. Terry Ridon na ang mga kompanyang sangkot sa kontrobersiya, gaya ng SYMS Construction Trading, ay kailangan ding magpaliwanag.
Ayon kay Ridon iimbitahan nila SIMS Construction Trading, yung itinuturo na kontratista ng ghost flood control project sa Bulacan.
Binigyang-diin niya na dapat ding humarap ang Government Procurement Policy Board at ang Philippine Contractors Accreditation Board, dahil sa mga bagong alegasyon na maaaring nabahiran ng katiwalian kahit ang proseso ng akreditasyon ng mga contractor.
Una ng sinabi ni Ridon na ang kontrobersyal na mga proyektong tinukoy sa Bulacan ay hindi congressional insertions, kundi mga panukala na kasama na sa National Expenditure Program (NEP) na inihanda ng Department of Public Works and Highways.
Binigyang-diin niya ang implikasyon ng natuklasang ito, na kahit ang mga proyektong dumaan na sa pagsusuri ng ehekutibo ay maaari pa ring maging anomalya.
Tungkol naman sa saklaw ng imbestigasyon, nilinaw ni Ridon na ang unang pagdinig ay tututok sa mga proyektong Bulacan na binisita na ng Pangulo.
Sinabi niya na tatalakayin sa hearing ang iba’t ibang isyu na lumabas sa mga site visit, kabilang ang ghost projects, undercapitalized firms, at contractors na inakusahan ng paghahatid ng substandard na trabaho.