Dumipensa ang flood control contractor na QM Builders sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa umano’y anomalya sa flood control project.
Sa naging pagdinig, naglabas si Senate Committee on Finance Chairman, Sen. Sherwin Gatchalian, ng umano’y financial statement ng mga contractor na nakakuha ng pinakamalalaking kontrata sa gobiyerno.
Ang mga naturang contractor ay bahagi ng listahang unang inilabas ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na umano’y nakakuha ng pinakamalalaking flood control contract simula noong 2022.
Pangunahin sa mga iprinisenta ni Sen. Gatchalian ay ang umano’y financial statement ng QM Builders.
Ayon sa senador, bilyon-bilyong halaga ng kontrata ang ibinulsa ng naturang contractor gayong halos negatibo o wala itong kinikita, batay sa kaniyang financial statement (FS).
Gayonpaman, pinabulaanan ni QM Builders Proprietor Allan Quirante ang claim ng naturang senador.
Ayon kay Quirante, mistulang mali ang iprinisenta ng sendor dahil hindi totoong lugi ang hawak nitong firm. Posible aniyang ang nakuhang FS ni Sen. Gatchalian ay mula sa kaniyang hardware na ipinatayo pa noong unang bahagi ng dekada ’90.
Ito ay kaiba aniya sa contracting firm na hawak din ng QM Builders na may kapasidad na mangontrata ng hanggang P40 bilyon.
Tanong ng mga senador, paano nakakaya ng isang maliit na firm na hawak ng isang sole proprietor na pondohan ang bilyon-bilyong halaga ng mga flood control infrastructure?
Giit ni Quirante, may asset ang QM Builders na mahigit dalawang bilyong piso (P2B) na kayang mangontrata ng mahigit P40 billion na halaga ng public infrastructure project.
Sa huli, hiniling ng mga senador kay Quirante na isumite nito ang kaniyang mga financial statement para mabalikan ang naturang isyu sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee.