-- Advertisements --

Pormal ng inihain nina Atty. Mark Kristopher Tolentino ang ‘petisyon’ nila ni Atty. Rolex Suplico sa Korte Suprema laban sa isang mambabatas at propesor.

Ngayong araw naghain ang mga naturang abogado ng petisyong ‘Indirect Contempt’ kontra kina Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña at Prof. Richard Heydarian.

Ang petisyon ay bunsod anila ng mga pahayag na umano’y malisyoso at pag-atake sa Kataastaasang Hukuman hinggil sa deklarasyon kaugnay ng Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Maaalala na noong nakaraang linggo, idineklara ng Korte Suprema na ‘unconstitutional’ ang ‘articles of impeachment’ na ipinasa ng kamara kontra sa ikalawang pangulo.

Base sa desisyon, nakitaan ng paglabag sa ‘1 year rule’ ng paghahain ng impeachment complaint at maging karapatang magkaroon ng ‘due process’ sa panig ng akusadong opisyal.

Kaya’t ang mga abogadong sina Atty. Tolentino at Atty. Suplico ay idinulog na sa Korte Suprema ang petisyon ukol sa mga kumokontra sa inisyu nitong desisyon.

Habang kasabay naman nito ang pagdating ng abogadong si Atty. Ferdinand Topacio sa Korte Suprema.

Aniya’y maghahain din siya ng petisyon katulad ng “Indirect Contempt” ngunit ito’y laban naman kay Presidential Adviser for Povert Alleviation Secretary Lorenzo ‘Larry’ Gadon.

Ayon sa naturang abogado, ito’y dahil rin sa mga pahayag ng pagkontra at hindi angkop o nakapambabastos sa Judiciary o Korte Suprema.

Kasama niyang dumating sa Korte Suprema, sa paghahain ng mga abogado ng petisyon, ang ilang mga indibidwal o grupo na siyang nagsagawa ng kilos protesta.

Ngunit paglilinaw na ito’y hindi upang kalabanin ang deklarasyon ng Supreme Court kundi upang ihayag ang kanilang pagsuporta sa naturang deklarasyon.