-- Advertisements --

rufus4

Inaprubahan na ng House Committee on Constitutional Amendments ang accompanying bill at committee report ng Resolution of Both Houses No. 6 na nagpapatawag ng Constitutional Convention para sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.

Sa botong 17 pabor, dalawang mambabatas lamang na miyembro ng kumite ang bumoto ng NO, ito ay sina Gabriela Party List Rep. Arlene Brosas at Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar Rep. Paul Daza.

Sa ilalim ng nasabing panukala ang pagdaraos ng hybrid Con-con kung saan iboboto at ia-appoint ang mga delegado.

Boboto ng isang kinatawan mula sa existing legislative districts na isasagawa sa October 30, 2023, kasabay ng Baranggay at Sanggunian Kabataan Elections.

Ang appointed delegates naman ang pipiliin ng Senate President at House Speaker mula sa iba’t ibang sektor, kasama ang tinutukoy na basic sector sa RA 8425 o Social Reform Poverty Alleviation Act.

Isang buwan matapos ang eleksyon sa Oktubre 30, at pagsapit ng November 20 ay isasagawa ang unang pulong ng Con-con delegates.


Kukunin naman mula sa 2023 budget ng COMELEC ang gastos para sa nasabing halalan.

Nilinaw naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, chair ng komite na maaari pa ring aksyunan ng senado ang panukala kahit wala pa itong counterpart bill sa Mataas na Kapulungan.

Sa kabilang dako, ayon kay Kabataan Party List Rep. Raoul Manuel inaasahan na agad itong ipapasa bago ang session adjournment sa March 23,2023.