Mariing kinondena ng labor coalition na Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) ang pagpatay sa limang mamamahayag ng Al Jazeera sa Gaza, na tinawag nilang sadyang pag-atake sa katotohanan at tangkang patahimikin ang mga nag-uulat ukol sa lumalalang krisis sa rehiyon.
Ayon kasi sa Al Jazeera, nasawi sa airstrike noong Agosto 10 ang beteranong correspondent na sina Anas al-Sharif, cameramen Ibrahim Zaher, Mohammed Noufal, Moamen Aliwa, at journalist na si Mohammed Qreiqeh habang nagpapahinga malapit sa al-Shifa Hospital sa Gaza City.
Giit ng SENTRO, bahagi ito ng mas malawak na panunupil sa mga mamamahayag, kung saan 237 ang naiulat na pinaslang mula nang sumiklab ang giyera noong Oktubre 2023.
Pinasinungalingan naman ng AI Jazeera at mga tagapagtanggol ng press freedom ang paratang ng Israel na si al-Sharif ay miyembro ng Hamas.
Hinimok pa ng grupo ang pamahalaan ng Pilipinas na tuligsain ang pagpatay at manindigan laban sa “genocide” sa Gaza. Ayon sa kanila, dapat papanagutin ang Israel sa paglabag sa karapatang pantao at international law.
Bilang tugon, tinawag ng Al Jazeera ang insidente na isang desperadong pagtatangka upang patahimikin ang katotohanan, habang patuloy ang panawagan ng UN at press freedom groups na imbestigahan ang mga pagpatay, na posibleng maituring na war crimes.