Mariing tinutulan ng Coalition Against Trafficking in Women – Asia Pacific (CATW-AP) at Sentrong mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO)—ang hirit na pansamantalang pagpapalaya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa mga grupo, hindi makatarungan ang hiling ng kampo ni Duterte na makalaya pansamantala at manirahan sa hindi pinangalanang bansa habang dinidinig ang kasong crimes against humanity kaugnay ng madugo nitong ‘war on drugs.’
Iginiit ni CATW-AP Executive Director Jean Enriquez na batay sa resolusyon ng Pre-Trial Chamber I ng ICC, kinailangang arestuhin si Duterte upang matiyak ang kanyang pagharap sa korte at maiwasan ang posibleng panghihimasok sa imbestigasyon, pati na rin sa seguridad ng mga saksi at biktima.
Senegundahan naman ni SENTRO Secretary General Josua Mata, ang patuloy na kapangyarihang hawak ng pamilya ni Duterte kung saan umano naganap ang mga krimen na iniimbestigahan ng ICC.
Maaalalang kamakailan lamang ay naiproklama si Rodrigo Duterte bilang alkalde ng Davao City, habang ang kanyang anak na si Sebastian “Baste” Duterte ay naihalal bilang bise alkalde
Dagdag pa ni Mata, malinaw na may impluwensiya pa rin ang pamilya Duterte sa pulitika, lalo na’t 18 sa 23 senador ang bumoto para ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte—na isa pang anak ni Duterte.
Giit ng CATW-AP at SENTRO, ang pansamantalang paglaya ni Duterte ay maaaring humadlang sa proseso ng hustisya at magdulot ng takot sa mga biktima ng ‘war on drugs.’
Samantala, iginiit naman ng kampo ni Duterte na hindi siya flight risk at dapat isaalang-alang ang kanyang edad na 80, bilang makataong konsiderasyon sa hiling na pansamantalang paglaya.