-- Advertisements --

Mahigit isang buwan matapos ihayag ni US President Donald Trump ang ceasefire sa Gaza, hindi pa rin natutupad ang isa sa mga pangunahing bahagi ng kanyang 20-point peace plan, ang pagbuo ng isang multinational force para sa pagpapanumbalik ng kaayusan sa nasirang teritoryo.

Ayon sa plano, agad sanang ide-deploy ang International Stabilization Force (ISF) upang sanayin ang mga pulis na Palestinian, tiyakin ang seguridad sa mga hangganan ng Israel at Egypt, pigilan ang pagpasok ng mga armas, at tumulong sa pag-atras ng mga tropang Israeli mula sa Gaza.

Ngunit hanggang ngayon, wala pang bansang pormal na nagkumpirma ng paglahok. Nais muna ng mga potensyal na kasapi ng ISF na magkaroon ng mas malinaw na mandato at katiyakan sa seguridad, lalo’t nananatiling magulo ang Gaza at hindi pa rin nagdi-disarma ang Hamas.

Ayon sa mga ulat, hinihiling ng ilang bansa na pansamantala lamang ang deployment ng puwersa, hanggang sa tuluyang mamahala ang Palestinian Authority. May ilan ding nananawagan ng isang resolusyon mula sa United Nations Security Council o isang internasyonal na mandato upang gawing lehitimo ang operasyon.

Samantala, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na kasalukuyan nang tinatrabaho ng Washington ang “wastong legal framework” upang pahintulutan ang mga bansa na makibahagi sa ilalim ng isang internasyonal na kasunduan.