Naniniwala si International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Kristina Conti na may 80% uusad na ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte patungo sa paglilitis.
Ito ay kasunod ng desisyon ng international tribunal sa isyu ng hurisdiksyon nitong imbestigahan ang drug war na ipinatupad ng nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Conti, ang bagong desisyon ng ICC ay isang malinaw na sinyales ng pagpapatuloy ng imbestigasyon upang tuluyang matukoy kung sino ang iba pang perpetrator o kasama ng dating pangulo sa pagpapatupad ng madugong drug war.
Ito rin aniya ay hudyat para sa posibleng pag-aaply ng karagdagang warrant of arrest laban sa iba pang personalidad.
Giit ni Conti, kung mayroon mang susunod na maaaresto, tulad ni Sen. Ronald Dela Rosa, mas makabubuti aniya kung agad itong maisasakatuparan.
Pinayuhan din ng abogado ang Senador na isuko na lamang muna niya ang kaniyang sarili sa hurisdiksyon ng korte at kuwestyunin ito sa merito ng kasong ihaharap sa kaniya.
Maaari aniyang gawin ito ng Senador, lalo na kung balak din ng kampo nitong kwestyunin ang mga warrant na posibleng inilabas na o ilalabas pa lamang ng international tribunal.















