CAGAYAN DE ORO CITY – Pinasasagot ng Bureau of Customs -Cagayan de Oro ang consignee na umano’y nasa likod ng panibagong ipinupuslit na smuggled onions papasok sa daungan ng Misamis Oriental na nagmula pa umano sa bansang Tsina.
Ito ay matapos unang naharang ng BoC Enforcement and Security Services ang dalawang containers na mayroong laman na mga kontrabandong sibuyas na ipinag-kunwari na ‘frozen malt’ nang dumaong sa Mindanao Container Terminal ng Tagoloan nitong lalawigan.
Sinabi sa Bombo Radyo ni BoC- CdeO spokesperson Angelo Andrade na inaantay na nila ang gagawing pagpapaliwanag ng South Road Consumer Trading kung bakit hindi kumpiskahin ang kargamento na nagsilbing ilegal na pumasok sa rehiyon.
Inihayag ni Andrade na lalabasan muna nito ng seize order at ilalagay sa kanilang warehouse habang kasalukuyang iniimbestigahan ang ipinalusot na mga kargamento.
Una nang pinapa-hold ang nasa 3 milyong piso na mga sibuyas upang hindi ito makarating sa palengke na maaring mayroong health risk para sa mga konsumante.
Kung mabibigo ang consignee na makapagpakita ng kaukulang mga dokumento ay sisirain na naman ito katulad sa nasa halos P14 milyon na smuggled onion na mula pa rin Tsina noong Setyembre 2021.