-- Advertisements --

Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na handa ang district jail sa Sta. Cruz, Laguna sakaling doon pansamantalang ikulong ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, kasunod ng inihaing arrest order laban sa kanya.

Ayon kay BJMP spokesperson Jail Supt. Jayrex Joseph Bustinera, ang korte na naglabas ng arrest order ay nasa Sta. Cruz, kaya ang pinakamalapit na detention facility ay ang Sta. Cruz District Jail.

Bagaman luma na ang piitan at nasa 699-percent congestion rate, kaya pa rin umano nitong tumanggap ng detainees. Utos ito aniya ng korte, kaya kailangan nilang sundin.

Dagdag pa ng opisyal, nakahanda rin ang jail facilities sa Batangas at San Pablo, Laguna sakaling doon ipatupad ang detention, lalo na’t may iba pang pending cases si Ang kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa pagkawala ng ilang sabungeros. (report by Bombo Jai)