Inihayag ng Malakanyang na hindi dapat iugnay ang isyu ng mga flood control project sa usapin ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Palace Press Officer, Undersecretary Claire Castro, iginagalang ng Malacañang ang opinyon ni Congressman Toby Tiangco sa kanyang desisyong hindi pipirma sa ihahaing impeachment complaint.
Gayunman, iginiit ni Castro na magkahiwalay na usapin ang flood control projects at ang mga alegasyong kinahaharap ng Bise Presidente.
Binigyang-diin ni Castro na hindi dapat ibatay ang anumang desisyon sa impeachment sa resulta ng imbestigasyon sa flood control projects, dahil magkaiba ang saklaw at isyung tinatalakay ng dalawang usapin.
Dagdag pa ni Castro, patuloy ang pamahalaan sa pagsisikap na papanagutin ang sinumang may sala sa mga isyu sa flood control, at hindi ito dapat gawing batayan o ikondisyon sa usaping impeachment.










