Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nakapagsimula na sila sa pamamahagi ng P1-milyong financial assistance sa pamilya ng mga health care frontliners na namatay dahil sa COVID-19.
Sa virtual presser ng DOH sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na isang pamilya ng namatay na COVID-19 frontliner sa National Capital Region ang nakatanggap na ng P-1milyong halaga ng cheke matapos ihatid ng personal sa bahay ng ilang health officials
Nitong araw naman, may 10 pamilya pa mula sa Metro Manila ang inabutan ng parehong halaga ng death benefit cheque. Mismong si Health Sec. Francisco Duque daw ang nagtungo sa mga pamilya para magbigay ng cheke at makiramay.
May dalawang pamilya na rin daw ang pinadalhan sa Region 11, habang nai-distribute na sa designated regional offices ang iba pa.
Ayon kay Usec. Vergeire patuloy ang koordinasyon ng kagawaran sa pamilya ng 32 health care frontliners na namatay dahil sa COVID-19, hinggil sa pagtanggap ng financial assistance na alinsunod sa Bayanihan to Heal As One Act.
“Kasalukyang po naming tinutulungan ang iba pang pamilya na naulila ng 32 health care workers upang gabayan at matulungan po sila sa pagsumite ng mga dokumento na kinakailangan sa pag-claim ng benefit na ito,” ani Vergeire.
Batay sa datos ng DOH, mula sa 32 namatay na COVID-19 health frontliners, 26 ang doktor, 4 ang nurse, at dalawa ang non-medical staff.
Bukod sa mga pumanaw na health care workers, makakatanggap ng P100,000 compensation ang medical frontliners na tinamaan ng sakit at naging kritikal at severe ang lagay.