-- Advertisements --

Sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na plano nilang magkaroon na rin ng voters registration sa gabi. Aniya, iimplementa nila ito sa registration na mangyayari ngayong unang araw ng Agosto hang Agosto 10.

Ayon kay Garcia, ang mangyayaring Register Anytime ay isasagawa mula alas-7 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga ngunit sa mga piling lugar lamang. Samantala, ang regular na pagpaparehistro ay mula naman alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon. Aniya, pagdating sa mga mall, regular na oras ang susundin habang ang sa mga paliparan naman ay ang pang-gabi na oras ng registration.

Kaugnay nito, nilinaw din ng komisyon na ang isasagawa na Register Anywhere Program o RAP ay magtatagal hanggang ika-7 lamang ng Agosto upang magbigay daan na malipat sa mga sari-sariling lugar ang mga nagpa-rehistro.

Samantala, bagaman, hindi nabanggit sa SONA ng pangulo ang anumang may kaugnayan sa katatapos lamang na Midterm Elections at kahit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, iginiit ni Garcia na ang pagtanggap sa mga bagong halal na opisyal at pagkilala sa mga kabataan ay pagpapakita na naging maayos ang eleksyon.

Kaugnay nito, wala pa umanong nakikitang indikasyon ang poll body na i-veveto ng pangulo ang panukalang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa 2026 at nagpapalawig ng termino ng mga opisyal sa apat na taon mula sa kasalukuyang tatlong taon.

Dagdag pa rito, sinabi ng COMELEC na kung itutuloy ang halalan ngayong taon, sila ay handa ngunit mas makakabuti kung maipagpapaliban upang maging mas maayos ang paghahanda.