-- Advertisements --

Nagtungo ngayong araw ang Commission on Elections (COMELEC) sa Lungsod ng Zamboanga upang ilunsad ang malawakang voters education at makipagpulong sa mga opisyal at stakeholders kaugnay ng Bangsamoro Parliamentary Elections at mga naging desisyon ng COMELEC En Banc ukol dito.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, mahalaga ang kanilang pagbisita sa lugar matapos pirmahan ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua ang Bangsamoro Autonomy Act No. 77 o Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025, na naglalayong ire-allocate ang pitong pwesto mula sa Sulu.

Gayunman, nilinaw ni Garcia na hindi na ito maipapatupad dahil kulang na sa oras ang komisyon, kaya’t mahalagang ipaliwanag sa publiko kung ano ang magiging epekto nito sa halalang nakatakda sa Oktubre 13.

Tiniyak din ng poll body na ipagpapatuloy nila ang malawakang voters education sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro upang mapalawak ang kaalaman ng mga botante.

Kabilang dito ang pagpapaliwanag ng kahalagahan ng parlamentaryong halalan, ang sistema ng mga distrito, paggamit ng vote-counting machines, at mga balotang gagamitin—na ngayon ay may “None of the Above” option kung sakaling wala silang nais iboto sa kandidato o partido politikal.