Sinabi ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia nasa 95% na ang kahandaan ng poll body pagdating sa mga paghahanda para sa eleksyon. Aniya, magpahanggang ngayon, may mga tinatapos at inaayos pa rin sila kahit na isang linggo na lamang bago ang halalan.
Dagdag pa ni COMELEC Chairman Garcia, sa pagpapatuloy ng Final Testing and Sealing (FTS) ngayong linggo, wala pa aniya silang naitatala na technical issue na nararanasan ng mga electoral board members. Wala pa namang Automated Counting Machines (ACMs) ang hindi tumanggap ng mga balota. Ang final testing and sealing ay magtatagal hanggang Mayo 7.
“More or less nasa 90% to 95% na yung atin pong kahandaan pero syempre may mga bagay pa kaming inaayos, may mga ilang gusot pang pinaplantsa at syempre sa kasalukuyan na yung ating ginagawang Final Testing and Sealing (FTS), mga makina sa buong Pilipinas ay 94,000 precincts ang nagagawa natin, ito kasi ay tatagal hanggang a-syete ng Mayo.” pahayag ni COMELEC George Erwin Garcia sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines.
Kaugnay pa nito, inaasahan din ngayong linggo na matatapos na ang distribution ng mga balota sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil magsisimula na rin itong ipamahagi sa mga guro para sa eleksyon.