-- Advertisements --

Iginiit ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia ang kahalagahan ng pagsusumite at masusing pagsusuri ng Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ng lahat ng kandidato—nanalo man o natalo.

Ayon kay Garcia, mahalaga ito lalo na matapos mabunyag ang ilang isyu kaugnay ng campaign donations mula sa mga kumpanyang may kontrata sa gobyerno, partikular sa mga flood control projects.

Matatandaang kabilang sa mga nabanggit na kontratista ang Centerways Construction and Development Inc., na kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nagbigay ng kontribusyon sa kanyang kampanya noong 2022 elections.

Ani Garcia, dati ay nakatuon lamang ang pansin ng publiko sa kung magkano ang ginastos ng isang kandidato, ngunit ngayon ay lumalawak na ang interes ng mga botante upang malaman din kung sino-sino ang nagbigay ng donasyon.

Dagdag pa niya, malinaw na paglabag sa Omnibus Election Code ang pagtanggap ng donasyon mula sa mga kumpanyang may kasalukuyang kontrata sa gobyerno. Bagaman hindi pa tukoy kung kandidato o kontratista ang mananagot, tiniyak ni Garcia na may kaakibat na criminal liability ang sinumang mapatunayang lumabag.

Ang mga mapapatunayang nagkasala ng election offense ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon.

Samantala, malugod namang tinanggap ni Garcia ang maagang paghahain ng petisyon laban sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na aniya ay makakatulong upang agad mawala ang agam-agam hinggil sa usapin.

Paliwanag ni Garcia, ang maagang aksyon ay magbibigay-daan sa mas mabilis na desisyon kung dapat ipagpatuloy o ihinto ang paghahanda para sa halalan. Mas mainam aniya na maresolba agad ito upang malinawan ang lahat ng partido at maiwasan ang pagkaantala ng mga plano ng COMELEC.

Matatandaang kahapon ay kapwa naghain ng hiwalay na petisyon sa Korte Suprema ang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal at guro na si John Barry Tayam na itinituring na unconstitional ang pagpapaliban sa BSKE.

Bagaman nilagdaan na ng pangulo ang batas na nagpapaliban sa BSKE, tuloy-tuloy pa rin ang preparasyon ng COMELEC, sakaling kuwestyunin ito ng Korte Suprema at matuloy ang halalan sa Disyembre.