-- Advertisements --

Halos kumpleto na ang paghahanda ng Commission on Elections (COMELEC) para sa nakatakdang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na gaganapin sa Oktubre 13 ng kasalukuyang taon.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia nasa 90% hanggang 95% ang kahandaan ng komisyon para isagawa ang halalan sa Bangsamoro. Iginiit pa niya na tuloy na tuloy ang halalan sa BARMM sa itinakdang petsa upang alisin ang alinlangan na baka maantala ito tulad ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Tinatayang nasa 2.3 milyong botante ang inaasahang lalahok sa naturang halalan. Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Pebrero ang batas na nagpaliban sa BARMM elections mula Mayo patungong Oktubre 2025. Noong Setyembre 2024 naman, pinagtibay ng Korte Suprema ang bisa ng Bangsamoro Organic Law ngunit idineklara na hindi sakop ng BARMM ang Sulu—isang desisyong kinatigan muli noong Nobyembre 2024 matapos ibasura ang mga mosyon laban dito.

Samantala, kinakaharap ngayon ng poll body ang isyu hinggil sa “none of the above” (NOTA) option sa opisyal na balota na gagamitin. Ayon kay Garcia, walang malinaw na provision sa Bangsamoro Electoral Code kung ano ang mangyayari sakaling mas makakuha ng boto ang None of the Above option kaysa sa mga kandidato.

Dahil dito, nagtakda ang komisyon ng isang “extremely urgent” na pagpupulong kasama ang pitong political parties sa rehiyon, election watchdogs, at civil society groups upang talakayin at resolbahin ang usapin bago maglabas ng opisyal na guidelines.

Kaugnay nito, nagbabala rin ang Independent Election Monitoring Center (IEMC) na posibleng mauwi sa failure of elections ang halalan kung hindi agad maaayos ang probisyon kaugnay ng None of the Above option. Hinihikayat ng grupo ang COMELEC at Bangsamoro Transition Authority (BTA) na linawin ang usapin upang maiwasan ang kaguluhan.