-- Advertisements --

Nasungkit ng isang 21-anyos na Cebuano at computer science student ang rank 2 global at Rank 1 sa buong Pilipinas ang ginanap na Fundamental Information Technology Engineer Certification Examination 2025.

Ang naturang eksaminasyon ay isang standardized na sertipikasyon sa ilalim ng ITPEC framework na sinusuri ang pangunahing kaalaman at kasanayan sa IT, kabilang ang mga algorithm, network, database, seguridad ng impormasyon, at programming.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Adrian Sajulga, inihayag nito na bagama’t pinag-eensayuhan at pinaghandaang mabuti na nito ang pagsusulit, hindi pa rin ito makapaniwalang nanguna sa lahat sa buong Pilipinas.

Sinabi pa ni Sajulga na maliban sa kaniya ay may iba pang mga estudyante na kumuha ng pagsusulit mula sa bansang Thailand, Myanmar, Mongolia, at Bangladesh.

Aniya, maliban sa mga pagsubok na kanyang naranasan gaya na lamang ng bawat gabi at araw ng pagrereview ay isa umanong malaking bagay ang suportang kaniyang natanggap mula sa kaniyang pamilya lalong-lalo na sa mga propesor nito na nag-udyok sa kanyang mas higitan pa ang kanyang limitasyon.

Dagdag pa nito na ang “secret programming” sa kanyang tagumpay ay ang kagustuhang matuto, disiplina sa sarili, at ang paglalaan ng oras sa bawat aralin na dapat tutukan na makakatulong sa naturang pagsusulit.

Payo naman nito sa mga gustong tahakin ang kurso at mapabilang sa prestihiyosong pagsusulit na lakasan ang loob at bigyang importansya ang pag-aaral dahil ito ang maghahatid sa dulo ng bawat ng tagumpay.