-- Advertisements --

Sinibak na sa pwesto si Laguna Provincial Police Office director, Col. Rogart Campo, matapos iturong nasa likod umano sa pagkawala ng mga sabungero.

Ito ang kinumpirma ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.

“Just this lunch time ay nakakuha tayo ng confirmation na si Col. Rogart Campo ay nirelieve na sa kaniyang pwesto bilang PD ng Laguna at siya ngayon ay naka assign sa personnel admin unit ng DPRM dito sa Camp Crame. Yung kaniyang administrative relieve is to give way to ongoing investigation para hindi po magkaroon ng influence itong sinasabing opisyal sa ginagawang imbestigasyonpo ng PNP relating dito sa missing sabungeros,” pahayag ni Col. Fajardo.

Sinabi ni Fajardo ang pag-relieve sa pwesto ni Col. Campo ay para bigyang-daan ang nagpapatuloy na imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay sa kaso ng nawawalang mga sabungero at upang maiwasang maimpluwensiyahan ito.

Si Col. Campo ay inakusahan ng e-sabong operator at kilalang gambling lord na si Charlie “Atong” Ang sa naging pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangrous Drugs na tumanggap umano ng P1 milyon mula sa kaniya.

Maliban dito, positibo ring itinuro si Campo ng mga humarap na saksi sa Senado hinggil sa umano’y pagdidispatsa sa mga nawawalang sabungero.

Epektibo ngayong araw, naka-assign na si Campo sa Personnel Administrative Unit ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) habang nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon.

Siniguro naman ni Fajardo na sandaling makitaan ng pananagutan ang mga sangkot na pulis ay tiyak mananagot ang mga ito sa batas.