-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na may kaugnayan sa inilunsad na Long March 12 rocket ng China ang napaulat na smoke trail at narinig na serye ng mga pagsabog sa may Palawan nitong gabi ng Lunes, Agosto 5.

Sa isang statement, iniulat ng PCG na namonitor ang limang malalakas na pagsabog sa may silangang parte ng Palawan na inilarawan bilang booming sounds.

Agad na bineripika ang napaulat na mga pagsabog, dito naobserbaan ang visible smoke trail sa kalangitan na katulad ng rocket propulsion.

Ang naturang aktibidad ay tumutugma sa inilunsad na rocket ng China. Nangyari aniya ang rocket launch sa pagitan ng alas-6:14 ng gabi at alas-6:42 ng gabi mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan province kagabi, Agosto 4.

Kaugnay nito, pinapayuhan ng PCG ang mga marino at publiko na maging vigilant at iulat ang mamataang posibleng debris sa local PCG stations.

Wala namang agarang banta sa seguridad o paglalayag ang napaulat sa naturang insidente.