KALIBO, Aklan — Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, nagsagawa ng coastal clean-up drive na may temang “Feb-ibig para sa Malay” sa long beach ng Isla ng Boracay.
Ito ay pinangunahan ng Malay Tourism Office batay sa Municipal Ordinance No. 84 series of 1995 o Project Pristine.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix delos Santos na nais nilang ipamalas ang labis na pagmamahal sa kalikasan pati na rin ang pagkakaisa ng mga mamamayan sa pamamaraan ng paglilinis sa dalampasigan na may layon na patuloy na maitaguyod ang pangangalaga sa inang kalikasan at mabawasan ang pagtatapon ng basura gayundin na maturuan ang publiko kaugnay sa waste management.
Maliban sa coastal at underwater clean-up drive, nagkaroon rin ng tree planting activity sa mainland Malay, kun saan itinanim ang 75 seedlings bilang simbolo ng ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Malay.
Nauna nang inanyayahan ng Malay Tourism Office ang lahat ng organisasyon, asosasyon, kooperatiba, at mga establisimento na makibahagi sa kanilang aktibidad sa pangangalaga ng kagandahan ng Boracay.
Samantala, sinabi pa ni delos Santos na matapos ang selebrasyon ng Chinese New Year, patuloy ang pagbuhos ng mga turista sa isla na may average na 5,000 hanggang 6,000 bawat araw.