CEBU CITY – Nasa heightened alert status ang Coast Guard District Central Visayas (CGDCV) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Verbena sa rehiyon.
Sa ilalim nito, inatasan ang lahat ng Coast Guard Stations, sub-Stations, at units sa buong Central Visayas na paigtingin ang monitoring, magsagawa ng readiness checks, at tiyaking naka-standby ang lahat ng rescue assets at response teams para sa agarang pag-deploy.
Naglabas na rin ng travel advisory ang anim na Coast Guard stations sa rehiyon na nagsuspinde ng biyahe para sa lahat ng maliliit na sasakyang-pandagat dahil sa masamang panahon.
Iniulat din ng ahensya na as of 12nn ngayong araw, Nobyembre 24, pumalo na sa 482 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon, kabilang ang 48 barko, 30 motorbanca, at 105 rolling cargoes.
Samantala, sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Joseph Merlas, weather specialist ng PAGASA Visayas, sinabi nitong habang tinatawid ng bagyo ang Visayas, mapapanatili nito ang Signal No. 1.
Sinabi ni Merlas, aabot sa 100-200mm ng rainfall ang inaasahang ibubuhos sa loob ng 24 oras, na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide, lalo na sa mga lugar na hindi karaniwang binabaha.
“May minimal to minor threat sa property and life,talagang may significant na effect ang dala ng bagyong Verbena na pag-ulan. Nakikita namin based on the weather advisory ay aabot na 100-200mm of rainfall na posibleng maibigay within 24 hours,” saad pa ni Merlas.
Idinagdag pa nito na dahil sa mga naunang epekto ng bagyong Tino, nagiging mas mababaw ang mga sapa at daluyan ng tubig, kaya’t mas malaki ang panganib ng pagbaha.
“Dahil sa bagyong Tino, ang mga waterways and drainage system is not in best condition. may mga deposits pa ng putik kaya nagiging mababaw ang sapa, kaya mas grabe ang posibleng epekto.due to antecedents na mga events, possible pa rin itong floodings and landslide,” dagdag ng weather specialist.
Habang tinatawid din umano ng bagyo ang Central Visayas kasabay ng high tide bandang 12:31 a.m., posible ang matataas na alon kaya dapat magbantay ang mga nasa coastal areas.
















