Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) sa 2022 report nito na nasa 2/3 ng mga piitan sa buong bansa ang congested.
Ayon sa state auditor, umabot sa 67.57% ang jail congestion rate sa bansa noong nakalipas na taon kung saan nasa 323 mula sa 478 na mga piitan ang nakakaranas ng mataas na occupancy rates.
Sinabi ng COA na ang occupancy rates sa mga siksikang mga piitan ay umaabot sa 101% hanggang 2,739%.
Sa katapusan ng 2022, ang kabuuang bilang ng mga person deprived of liberty ay nasa 127,031 na lumagpas sa kabuuang ideal capacity na 46,702.
Sinabi din ng COA na ang congestion sa mga piitan sa bansa ay hindi alinsunod sa standards ng United Nations at manual ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) jail.
Ang mga lugar sa bansa na may pinakamataas na congestion rate ay sa Calabarzon, Mimaropa at Metro Manila.
Sa parte naman ng BJMP, sinabi ng ahensiya na may mga nakalatag na hakbang para masolusyunan ang siksikan sa mga piitan.
Sa oras aniya na makumpleto ang mga nagpapatuloy na mga proyekto, ang kasalukuyang congestion rate sa mga rehiyon ay unti-unti ng mababawasan.