-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers na nagsasagawa na rin sila ng imbestigasyon upang matukoy ang iba pang indibidwal na posibleng sangkot sa umano’y ilegal na P1.4-billion land acquisition deal ng Overseas Workers Welfare Administration.

Una rito ay tinanggal na ng DMW si dating OWWA administrator Arnell Ignacio dahil sa naturang isyu.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, patuloy ang paghahanap nila ng mga mahahalagang impormasyon hinggil sa naturang maanumalyang kasunduan na ito na pinasok ng naturang opisyal sa kabila ng kawalan ng approval mula sa OWWA board.

Layon ng hakbang na ito na matiyak na tatayo sa korte ang kanilang ihahaing kaso sa mga indibidwal na mapapatunayang sangkot dito.

Nabatid na ang P1.4-billion land purchase deal sa ilalim ng pamumuno ni Ignacio ay para umano sa dormitory-type accommodation para sa mga OFWs na matatagpuan malapit sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.

Ang pagpapatalsik kay Ignasio ay dahil sa kawalan ng tiwala at kumpiyansa habang pinag-aaralan ng DMW kung mababawi pa ang P1.4-billion na ginastos para sa anomalous project.