-- Advertisements --

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang mga reklamong kriminal na inihain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga matataas na opisyal ng pulisya at gobyerno kaugnay ng raid sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City noong Hunyo 2024.

Sa inilabas na resolusyon nitong Huwebes, sinabi ng mga piskal na walang sapat na batayan o probable cause para ituloy ang kasong malicious mischief at violation of domicile.

Ang reklamo ni Duterte, na inihain bilang KOJC administrator, ay nag-ugat sa operasyon ng pulisya noong Hunyo 10 sa Glory Mountain Compound habang may isinasagawang prayer meeting. Aabot sa 400 armadong pulis ang pumasok sa lugar upang arestuhin si Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Duterte, labag sa batas ang ginawang pagpasok ng mga pulis dahil tanging arrest warrant lamang ang kanilang ipinakita at wala silang search warrant. Ipinunto rin niya ang diumano’y paggamit ng dahas, pananakit sa mga miyembro ng simbahan, at pagkasira ng mga ari-arian.

Kabilang sa mga inireklamo ni Duterte sina dating PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, dating DILG Secretary Benhur Abalos Jr., PNP Region XI Director Brig. Gen. Aligre Martinez, at PNP Director for Operations Maj. Gen. Ronald Lee.

Mariing itinanggi ng mga opisyal ang mga akusasyon, at iginiit na legal ang operasyon batay sa bisa ng mga valid arrest warrants. Ayon pa sa kanila, ang anumang pinsalang nangyari ay bahagi ng lehitimong pagpapatupad ng tungkulin.

Sa resolusyon, binigyang-diin ng DOJ ang presumption of regularity sa mga kilos ng mga opisyal. Wala umanong sapat na ebidensyang nagpapakitang may masamang intensyon o iligal na pagpasok sa compound.

Ang raid ay isinagawa bilang tugon sa mga kasong isinampa laban kay Quiboloy, kabilang na ang human trafficking, sexual abuse, at child abuse — mga kasong inihain mula 2021 hanggang 2024 ng dating mga miyembro ng KOJC.

Si Quiboloy, na kilalang kaalyado noon ng pamilya Duterte, ay matagal nang itinatanggi ang lahat ng paratang at sinasabing bahagi ito ng pamumulitikang paninira. Matapos siyang hindi dumalo sa mga pagdinig sa korte noong unang bahagi ng 2024, tatlong magkakaibang hukuman ang naglabas ng arrest warrants laban sa kanya. Mula noon ay lumubog ito sa taguan, dahilan para isagawa ang malawakang operasyon. (report by Bombo Jai)