-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na kanila ng planong hilingin na maipakansela ang pasaporte ni Atty. Harry Roque.

Kung saan balak ng naturang kagawaran na maisakatuparan ito kasabay ng mga isyung kinakaharap ng dating presidential spokesperson ni Former President Rodrigo Duterte na ngayo’y nasa bansang The Netherlands.

Ito mismo ang ginawang kumpirmasyon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ng matanong hinggil sa sitwasyon ng kaso ni Atty. Harry Roque.

Ang naturang abogado ay kasalukuyang nasa labas ng Pilipinas partikular ng bansang The Netherlands kung saan dumulog siya sa gobyerno nito para sa isang asylum application.

Bunsod nito, ibinahagi ng kalihim ng Department of Justice na kung sakaling tuluyan ng makansela ang hawak na pasaporte ng dating presidential spokesperson ay ituturing siyang ‘undocumented alien’.

Na aniya’y magdudulot ng ‘deportation’ kay Atty. Harry Roque at mapapabalik ng muli sa bansa kung saan meron itong kinakaharap na mga kaso.

Ngunit sa kabila nito ay mariin pa ring naninindigan ang panig ng abogadong si Roque na wala umanong magagawa pa ang pamahalaan para siya’y mapaaresto.

Giit kasi niya na mayroon pa siyang nakabinbin na aplikasyon ng asylum sa naturang bansa kaya’t hindi siya maaring basta lamang na maipa-deport pabalik ng Pilipinas.

Samantala, inamin naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang proseso ng asylum ay kinakailangan munang matapos bago maaresto o tuluyang mapabalik si Atty. Harry Roque.

Ngunit binigyang diin naman nito na hindi na tatagal pa at posible ng magkaroon ng finality ang asylum application ng naturang abogado.

Tiwala kasi si Justice Secretary Remulla na maayos at may due process namang kinikilala ang gobyerno ng The Netherlands na siyang magpapasya hinggil sa aplikasyong asylum.

Kaya’t maging ang Chief State Counsel ng kagawaran na si Arvin Dennis Chan ay ibinahagi pa na hindi maaring maaresto ang isang indibidwal habang dinidinig pa lamang ang aplikasyon ng asylum nito.

Si Atty. Harry Roque ay inisyuhan ng arrest warrant ng Angeles City Regional Trial Court hinggil sa mga kaso nitong kinakaharap na human trafficking dahil sa pagiging sangkot umano sa operasyon ng ilegal na POGO.